top of page

ANG MAKABULUHANG PAGSAMBA

 

Hindi natin kayang ipaliwanag ng lubusan kung gaano kahalaga ang ating  mga pagsamba sa Diyos. Ito  ang isa sa mga pangunahing aral na tinanggap natin sa Iglesia nang  tayo ay dinoktrinahan.  Ang pagsamba ang pinaka-sentro ng ating buhay-espiritwal.  Bagama’t kasama natin ang Diyos sa lahat ng pagkakataon, sa pagsambang kongregasyonal lalo nating nadarama ang presensya ng Diyos  sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu. Utos ng Diyos na huwag nating pabayaan ang ating mga pagkakatipon o pagsamba (Heb. 10:25). Ang katumbas ng pagpapabaya sa pagsamba ay pagtalikod sa Diyos.  Iyan ang naging mabigat na kasalanan  ng bayang Israel, nang isara nila ang portiko ng Templo, hindi na nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na sila nagsunog ng handog na susunugin sa Templo ng Panginoon. (II Cron 29: 6-8 MB). Ang pagtuturing ng Diyos sa mga nagpapabaya sa pagsamba ay kaaway niya . Ang sabi ng Biblia ay wala nang haing natitira pa para sa kanila kundi isang kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway (Heb. 10:26-27).

 

Bakit mahalaga ang pagsamba? Una, sapagkat ang  pagsamba ay pagpupuri at pagluwalhati ng Panginoong Diyos (Awit 95:6-7). Kaya ang sabi ng Bilia, hinahanap ng Diyos ang mga tunay na mananamba (Juan 4:23).  Ikalawa, sa pagsamba rin tumatanggap tayo ng Espiritu Santo na nagpapalakas sa  ating pagkataong loob (Efeson 3:16-18). Ikatlo, sa pagsamba tumatanggap tayo ng salita ng Diyos na siyang nagiging gabay natin upang masalunga ang  mabibigat na hamon ng buhay (Isa. 2:3). Kaya mahalaga na itanong natin, nakatutugon ba ang ating mga  pagsamba sa mga layuning ito? Ganito nga ba ang pakiramdam natin sa tuwing tayo ay dumadalo sa pagsamba? Lumalakas ba ang ating kaluluwa?  Ano ba ang damdamin ng maraming mga kapatid patungkol sa mga pagsamba ngayon?

 

Paggamit ng Pulpito sa Pagpaparunggit

 

Sa panahon pa ng Kapatid na Felix Y. Manalo at maging sa pamamahala ng Kapatid na Erano G. Manalo, ay niliwanag nila sa atin na hindi dapat gamitin ang tribuna  sa pagpaparinig, pagpaparunggit, paninira, at paghamak sa kaninomang tao. Ang  pulpito ay banal o sagrado.  Ang pagsamba ay para sa kaluwalhatian ng Diyos at hindi para atakihin ang sinoman. Subalit marahil ay napansin ninyo na sa mga sunod-sunod na pagsamba ay walang habas na  ginagamit ang tribuna upang atakihin at pasamain ang mga taong inaakala nila na lumalaban sa Pamamahala, lalo na ang mga ministro na hindi pumayag sa kanilang mga masasamang gawain. Naroon na sinasabi nila na ang mga  kapatid ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan ay katulad nina Miriam at Aaron na pinarusahan ng Diyos dahil sa lumaban sila kay Moises. Wala pong mali sa mga talatang ginamit sa leksyon, lalo pa nga ang  mga leksyon na binalangkas ng Kapatid na Felix Y. Manalo.  Ang mali ay ang mga aplikasyon at suhestiyon. Hindi lumalaban  sa Tagapamahalang Pangkalahatan  ang kaniyang ina at mga kapatid. Sinasabi pa nila sa pagtuturo na ang mga ministrong itiniwalag ay katulad ni Judas, na Ingat-yaman sa unang Iglesia at nagtaksil sa Panginoong Jesus. Una, sino ba ang may hawak ngayon ng yaman ng Iglesia? Ikalawa, sino ba ang tunay na nagtaksil? Hindi ba yaong mga taong nahulog sa “corruption” dahil sa pagkagahaman sa salapi, gaya ni Judas na ipinagkanulo niya ang Panginoong Jesus kapalit ng  30 pirasong pilak? Sino kung gayon ang Judas sa kapanahunan natin?  Yaon bang  mga ministrong pinarurunggitan, gayong sila  ang naninindigan   sa panig ng katwiran?   Maliwanag na iyon ay maling aplikasyon.

 

Ang obserbasyon ng mga kapatid tungkol sa pagsamba

 

Ano ang reaksyon ng mga kapatid sa ganitong uri ng pagtuturo? Galit sila. Hindi nila masikmura ang gayong uri ng pagtuturo. Kaya napansin ba ninyo na dumarami ang  mga kapatid tumatayo  sa sa pagsamba at kunwa ay pupunta sa banyo, subalit ang totoo ay hindi na nila makayanan ang kanilang naririnig. Inis na inis ang mga magulang sapagkat  ang naririnig ng kanilang mga anak sa pagsamba ay paninira  at panglalait.

Nadarama pa ba ng mga kapatid ang Espiritu Santo ngayon sa panahon ng pagsamba? Nakalulungkot pong sabihin at  iyan ay mapatutunayan ng maraming mananamba na wala silang nadaramang Espiritu Santo sa pagsamba.  Uhaw na uhaw ang Iglesia. Sabik na sabik ang mga kapatid sa pagmamahal ng Diyos. Subalit tigang na tigang ang mga pagsamba. Hindi nila madama ang pag-ibig sapagkat ang mga leksyong itinuturo sa pagsamba ay naglalayong pagalitin ang mga kapatid sa mga ministrong nagsiwalat ng katotohanan. Dapat sana ang pagsamba  ay  masilbing sanktuwaryo  ng puso ng mga kapatid sa gitna ng kanilang mga bagabag, pero sa halip ay nakapagdaragdag pa sa kanila ng kapighatian.  

 

ISANG PANAWAGAN

 

Sa lahat ng mga kapatid:

 

               Hindi po ang lunas sa kasalukuyang problema ay tumigil tayo sa pagsamba. Namamalagi  ang katotohanan na hinahanap ng Diyos na tayo ay sumamba sa Kaniya. Ang pinakamabuting magagawa natin ay pagtalagahan ang pagsamba. May mga bagay na wala tayong “control,” gaya halimbawa kung ano ang leksyon na ituturo sa pagsamba, sino ang magtuturo, at kung paano niya ituturo. Pero may mga bagay din naman na mayroon tayong “control” o mayroon tayong magagawa lalo na  kung lubusan nating ihahanda ang ating sarili sa pagdalo sa pagsamba. Bago tayo umalis sa bahay ay manalangin muna tayo at magmakaawa sa Panginoong Diyos na magawa natin ang makabuluhang pagsamba sa Kaniya. Ipagmakaawa rin natin na ang mga ministro o manggagawang mangangasiwa ay magabayan ng Espiritu Santo upang maging kasangkapan sila sa ikalalakas ng Iglesia at padaluyin nawa ng Diyos ang kaniyang malakas na kapangyarihan. Sa panahon ng  pagsamba ay pagsikapan natin  na magawa ang angkop at nararapat. Mula sa ating pananamit , ay dapat na maging angkop sa kaayusan ng pagsamba. Subalit higit sa panlabas na kaanyuan ay ang kalinisan ng ating puso at pamumuhay. Magkaroon tayo ng pansariling panalangin.  Isama natin sa ating pakikiusap sa Diyos na basbasan Niya ang iglesia lalo pa ngayon na dumaraan tayo sa napakabigat na pagsubok sa ating pananampalataya. Ipanalangin natin ang Pamamahala ng Iglesia. Huwag tayong gagawa ng anomang bagay na makapipinsala sa kaayusan at kabanalan ng pagsamba. Kung sakaling may marinig tayo na mga bagay na hindi sang-ayon sa ating kalooban ay tumahimik  po tayo at pagkatapos ng pagsamba ay wala pong masama na magtanong tayo sa ministro  sa isang magalang at maayos paraan. Pagsikapan po natin na ang bawat pagsamba ay makapagdulot sa kapurihang sa Diyos at ikalakas ng ating kaluluwa.

 

Sa mga gumagawa ng preacher’s guide:

 

               Ang  pagpaparunggit, pagpaparinig, paninira ng  karakter sa mga ministrong itiniwalag lalo na sa ginagawang paglapasatangan sa pamilya ng Kapatid na Erano G. Manalo ay “counterproductive.” Sa maniwala po kayo o sa hindi, ang inyong pamamaraan ay walang bisa. Lalo lang po ninyong inilalayo ang kalooban ng mga kapatid sa Tagapamahaang Pangkalahatan. Sa tingin ba ninyo ay naniniwala ang iglesia sa inyong mga aplikasyon sa leskyon na itinuturo sa pagsamba?  Hindi po. Nagkakamali po kayo. Alam po ba ninyo ang katunayan na hindi sila naniniwala sa mga paninira ninyo kundi bagkus iyon po ay “counterproductive?” Nahahayag po sa patuloy na paghina ng abuluyan  at paghahandog.  Ngayon lamang sa kasaysayan ng Iglesia sa Amerika at Canada na  sa panahon ng abuluyan ay maririnig ang kalansing ng mga barya na inihahandog ng mga kapatid. Hindi po sila nagsasalita sapagkat takot  silang matiwalag. Pero iyon po ay isang “matahimik na protesta” na sinasabing hindi sila sang-ayon sa kanilang naririnig. Hindi po sila natutuwa sa napapakinggan nila bagkus at lumuluha sila at nasasaktan sapagkat hindi na nila madama ang pagibig.

 

Sa mga nangangasiwa ng pagsamba:

 

               Ang marami sa atin ay nahirati na sa paggamit ng preacher’s guide. Bagama’t paulit-ulit  na ipinapaala-ala sa atin ng Pamamahala na iyon ay “guide”  lamang sa pag-aaral  at hindi dapat gamitin sa panahon ng pagsamba. Nawala na po ang damdamin ng maraming nangangasiwa ng pagsamba at naging “mechanical” na lamang ang pagtuturo, sapagkat binabasa na lamang ang preacher’s guide sa panahon ng pagsamba. Ano ang sinasabi ng maraming mga kapatid? Hindi sila maka-connect sa pagtuturo ng ministro at hindi nila madama ang kalahagahan ng leksyon sa kanilang buhay. Mahalaga na lubos po nating paghandaan ang bawat pagkakataon na humaharap tayo sa Iglesia sapagkat ang mga kapatid ay nangangailangan ng lakas. Tayahin natin sa ating puso kung ang nakasulat sa preacher’s guide ay ang katotohanan. Sa Diyos tayo nananagot at hindi  sa kung sinoman na gumawa ng preacher’s guide.

 

 Minister-of-the-Gospel

 

 

 

 

 

incdefenders.org

 

 

 

  

bottom of page